IBCTV13
www.ibctv13.com

ASEAN at Australia, nangakong palalakasin ang ugnayan sa kalakalan, edukasyon at climate action

200
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos, Jr. led the 6th ASEAN-Australia Summit with Australian Prime Minister Anthony Albanese at the Philippine International Convention Center on Monday, November 16. (Photo courtesy of PCO)

Ipinangako ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Australia ang higit na pagpapalakas sa kanilang kooperasyon kabilang na sa larangan ng kalakalan, edukasyon, maritime security, at pagtugon sa nagbabagong klima.

Ito ang naging pangunahing usapin sa idinaos na 6th ASEAN-Australia Summit sa Philippine International Convention Center ngayong araw, Nobyembre 16, kung saan binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang matagal nang magandang ugnayan sa pagitan ng ASEAN at Australia.

Ayon sa Pangulo, matagal nang katuwang ng ASEAN ang Australia sa pagpapanatili ng kapayapaan, pag-unlad ng ekonomiya, at pangangalaga sa kalikasan.

Kabilang sa mga aspetong pinagtutulungan ng dalawang rehiyon ang maritime security, cybersecurity, counterterrorism at paglaban sa human trafficking, online scams at iligal na droga.

Batay sa datos, umabot sa 197.5 bilyong Australian dollars ang naging bilateral trade ng Australia at ASEAN noong nakaraang taon.

Binanggit din ni Pangulong Marcos Jr. ang suporta ng Australia sa pamamagitan ng Aus4ASEAN Futures Initiative para sa digital transformation, energy transition at pagtatatag ng ASEAN Power Grid.

Kabilang din ang Australia sa Regional Connectivity Fund for Energy in Southeast Asia na naglalayong palakasin ang koneksyon at seguridad sa suplay ng enerhiya sa rehiyon.

Bukod dito, nangako ang naturang bansa na magbibigay ng AUD15 milyon o katumbas ng humigit-kumulang P648 milyon para sa ASEAN Centre for Public Health Emergencies and Emerging Diseases.

Sinusuportahan din nito ang mga programa ng ASEAN pagdating sa disaster management at pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng migrant workers.

Kaugnay nito, hinimok naman ni Pangulong Marcos Jr. ang mga bansang kasapi sa ASEAN na tiyaking maisasalin sa konkretong benepisyo para sa kanilang mga mamamayan ang mga napagkasunduang hakbang.

Tiniyak naman ni Australian Prime Minister Anthony Albanese na magpapatuloy ang suporta ng kanyang bansa sa ASEAN.

“We recommit our efforts to increasing our two-way trade and investment, harnessing the opportunities of clean energy, climate resilience, better infrastructure, fairer educational opportunities and strengthened maritime security,” ayon kay Albanese.

Inanunsyo rin ng Australian Prime Minister ang isang bagong digital cooperation package na layong pabilisin ang digital transformation ng ASEAN at pasiglahin ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon.

Pangunahing tututukan ng naturang programa ang pagpapalakas ng digital ecosystem, pagbuo ng mga pamantayan para sa ligtas na paggamit ng artificial intelligence (AI), at pagpapaunlad ng mga manggagawa sa digital sector.

Matapos ang summit, nagsagawa rin ng bilateral meeting si Albanese at Pangulong Marcos Jr. upang talakayin ang pagpapalawak ng ugnayan ng Pilipinas at Australia, partikular sa seguridad at depensa.

Muling pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang pangako na palalimin ang strategic partnership upang matugunan ang nagbabagong hamon sa seguridad sa rehiyon. – MP