
Opisyal nang sinimulan ngayong araw, Pebrero 25, ang roundtable sa ASEAN Economic Security: Context, Considerations, and Challenges na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mga miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kabilang ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.
Binigyang-diin ng mga delegado ang kahalagahan ng mas pinaigting na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa upang mapanatili ang matatag na daloy ng kalakalan at pamumuhunan.
Tinalakay din ang mga posibleng hakbang upang mapalakas ang regional resilience at matiyak ang inclusive at sustainable economic growth, lalo sa gitna ng patuloy na pagbabago sa pandaigdigang kalakalan.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Allan Gepty, marami nang napagkasunduan ang mga bansang ASEAN hindi lamang sa loob ng rehiyon kundi maging sa mga external partner gaya ng China, Japan, Korea, India, Australia at New Zealand.
Aniya, nagbukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyo, gayundin sa sektor ng serbisyo, kung saan kabilang sa mga trade agreement ang probisyon para sa mas malawak na presensya ng mga propesyunal at kumpanya sa ibang bansa.
Ipinunto rin ni Gepty na ang pagpili sa Iloilo bilang isa sa ASEAN meeting venue ay mahalagang pagkakataon upang maipakita ang kakayahan ng lungsod sa pagho-host ng mga internasyunal na pagpupulong.
Dagdag ng opisyal, magsisilbi itong pagkakataon upang maipakilala ang probinsya bilang potensyal na investment hub sa mga pangunahing sektor tulad ng IT-BPM.
Kasunod ng roundtable, gaganapin mula bukas hanggang Pebrero 27 ang 49th High-Level Task Force on ASEAN Economic Integration (HLTF-EI) na nakatuon sa mas pinaigting na integrasyon at kooperasyong pang-ekonomiya ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Inaasahang maglalatag ito ng mga konkretong hakbang upang higit na mapatatag ang ekonomiya ng rehiyon sa harap ng geopolitical tensions at economic uncertainties. (Ulat mula kay Rena Manubag Dagoon) – VC











