
Isang pag-asa ang hatid ng bagong gamot na inaprubahan ng United Kingdom para magamit sa public health system kung saan kaya nitong pabagalin ang pagkalat ng advanced breast cancer.
Tinatawag na capivasertib at may brand name na Truqap, ang AstraZeneca drug ay kinakailangang inumin dalawang beses kada araw.
Sa pamamagitan ng gamot ay higit 1,000 kababaihan kada taon na may HR-positive, HER2-negative — isang uri ng breast cancer na karaniwang hindi na magagamot kapag umabot na sa advanced stage—ang maaaring matulungan.
Suportado ng National Institute for Health and Care Excellence (NICE) ang kakayahan ng gamot para pahabain pa ang buhay ng pasyente at ipagpaliban ang pagsasailalim sa chemotherapy.
“People with advanced breast cancer would value treatments like capivasertib that can be given when limited options exist and because it may delay the need for chemotherapy and its associated side-effects,” paliwanag ni Helen Knight, NICE’s director of medicines evaluation.
Ikinatuwa rin ng Institute of Cancer Research (ICR) sa London ang pag-apruba sa capivasertib na bunga ng higit dalawang dekada na pag-aaral ng kanilang mga eksperto.
“This announcement is a triumph that will improve treatment for these patients with the most common type of advanced breast cancer,” pahayag ng ICR.
Ang bagong gamot ay inaasahang magiging bahagi ng standard treatment sa UK na magbubukas ng posibilidad para sa health system ng iba pang mga bansa. – VC