Positibo ang malaking bilang ng mga Pilipino na nakatutulong ang mga financial aid program at iba pang social welfare initiatives ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mahihirap na sektor, batay sa resulta ng magkahiwalay na survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia.
Social Weather Stations
Sa survey ng SWS, lumabas na 90% ng mga Pilipino ang naniniwalang nakatutulong sa mahihirap ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
66% sa mga ito ang nagsabing ‘very helpful’ ang programa habang 24% ang sumagot na ‘somewhat helpful’.
Naniniwala rin ang 88% ng mga Pinoy sa magandang dulot ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) kung saan 51% ang nagsabing ‘very helpful’ at 37% ang nagsabing ‘somewhat helpful’.
Gaya ng TUPAD, nakakuha ng 88% ang Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) na kumakatawan sa 42% na sumagot ng ‘very helpful’ at 39% na nagsabing ‘somewhat helpful’.
Mataas din ang porsyento ng Walang Gutom Program na nakakuha ng 81%. Sa datos, 48% ang naniniwalang ‘very helpful’ ang programa habang 33% ang nagsabing ‘somewhat helpful’.
Samantala, 80% ng mga Pilipino ang positibo naman sa malaking tulong ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para sa mahihirap na pamilya kung saan 42% ang nagsabing ‘very helpful’ at 33% ang ‘somewhat helpful’.
Pulse Asia
Batay sa resulta ng Pulse Asia survey, 82% ng mga Pilipino ang nagpahayag na nakatulong ang 4Ps para sa pinansyal na pangangailangan ng mga mahihirap.
82% din ang sumagot na malaking tulong ang TUPAD program sa pagbibigay ng kabuhayan sa mga Pilipino habang 81% ang nagsabing nakatulong ang AKAP sa mga nasa mababang antas ng lipunan.
Isinagawa ang Pulse Asia survey mula January 18-25, 2025 saklaw ang kabuuang 2,400 mga respondente at may ±2% margin of error, habang ginawa naman ang SWS survey mula January 17-20, 2025 na mayroong 1,800 respondente at ±2% margin of error. – VC