Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na matatapos na ang backlog sa motorcycle plates sa darating na Hunyo 2025.
Ayon kay LTO Executive Director Atty. Greg Pua, bente-kwatro oras na ang operasyon ng kanilang planta upang maabot ang ipinangakong target na susunod na taon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang ginawa ni Asec. Vigor, ginawa nating 24/7 ang operation ng ating planta. Nabawasan ang 12 million to 13 million na backlog sa motorsiklo na plaka po. Ngayon nasa 9.1 million,” paliwanag ni Pua.
Ibinahagi ni Pua na nagdesisyon din ang ahensya na mag procure ng ‘finished plates’ upang mas mapabilis ang distribusyon. Pinag-aaralan din nila ang mungkahi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na i-privatize ang produksyon ng plaka upang hindi na maulit ang problema sa mga susunod na taon.
“We diverted, sabi nga ni Sen. Tol kanina i-privatize. Nag-procure tayo ng finished plate na po. Ang commitment natin sa presidente, matatapos ang backlog by June 2025 and then we’re working triple time para ma-deliver ang ating commitment sa presidente,” dagdag ng executive director.
Samantala, ipinanawagan naman ni Senator Tolentino na ipagpaliban muna ang deadline ng pagbabawal sa paggamit ng improvised plates na nakatakda na sa Disyembre 31.
“The deadline is unrealistic and unfair to riders who will be arrested, fined and banned from using their motorcycle beginning Jan. 1, 2025. If the LTO cannot produce the official plates, then it should defer the deadline,” saad ng senador. – VC