Iniulat ni National Maritime Council (NMC) spokesperson Alexander Lopez na may bagong barko ang Pilipinas na nagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS) bilang kapalit ng BRP Teresa Magbanua.
Sa isang news forum ngayong Sabado, Setyembre 21, sinabi ni Lopez na hindi muna magbibigay ng detalye kung ano ang pangalan ng barko at saan ito naglalayag bilang bahagi ng kanilang estratehiya laban sa China.
Aniya, mas mahihirapan dumiskarte at gumawa ng hakbang ang China kung hindi nila alam ang pangalan at kinaroroonan ng barko ng Pilipinas.
Matatandaang bumalik na sa Puerto Princesa, Palawan ang BRP Teresa Magbanua noong Setyembre 15, matapos ang limang buwang pagpapatrolya sa Escoda Shoal.
Sa ngayon ay wala namang naiulat na pangha-harass at iligal na aktibidad ang China sa bagong barko ng Pilipinas sa WPS.
Nanindigan din si Lopez na nananatiling pagmamay-ari ng Pilipinas ang naturang karagatan at kailanman ay hindi isusuko sa banyagang bansa. -IP/VC