IBCTV13
www.ibctv13.com

Bagong cleanup vessel na MV Nilad, palakasin ang paglilinis sa Manila Bay

86
Views

[post_view_count]

DENR’s MV Nilad is soon to be deployed on Tuesday, June 30, 2026, as part of strengthening the clean up operations in Manila Bay. (Photo courtesy of DENR)

Asahan ang mas pinalakas na kampanya laban sa marine litter o mga basura sa dagat sa paglulunsad ng MV Nilad, isang marine cleanup vessel na ipinagkaloob ng Republic of Korea sa pamamagitan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA).

Pangungunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel T. Cuna ang inagurasyon ng barko sa Martes, Hunyo 30.

Ayon kay Cuna, malaking hakbang ang pagdating ng MV Nilad upang mapalawak ang on-water cleanup operations at magsilbing patunay na ang pakikipagtulungan sa ibang mga bansa ay nagbubunga ng konkretong resulta para sa pangangalaga ng kalikasan at sa mamamayan.

Ang barko ay bahagi ng $8.2 million na Enhancement of Marine Litter Management in Manila Bay (EMLM) Project, isang five-year partnership ng Pilipinas at Korea na naglalayong palakasin ang environmental protection systems, solid waste management, at isulong ang behavioral change upang mabawasan ang polusyon sa karagatan.

Ang MV Nilad ay may haba na 25 metro at bigat na 101 tonelada, may trash skimmer para sa pangongolekta ng lumulutang na basura, deck crane para sa pag-angat at pagbababa ng nakolektang basura, at oil boom na magagamit sa mabilis na pagtugon sa insidente ng oil spill.
Magiging katuwang ng DENR sa pagpapatakbo ng barko ang Department of Transportation (DOTr) at Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement na lalagdaan sa araw ng inagurasyon.

Bahagi rin ng proyekto ang isang crane-equipped truck na gagamitin sa pagdadala ng mga basurang makokolekta mula sa mga cleanup operation.

Nakasunod ang paggamit ng MV Nilad sa layunin ng Sustainable Development Goal 14.1 na mabawasan ang polusyon sa karagatan at sa Philippine Development Plan para sa pagtatayo ng resilient at sustainable communities.

Makatutulong din ito sa mga programa ng ASEAN+3 na naglalayong palakasin ang integration, resiliency, connectivity, at sustainable growth ng rehiyon.

Samantala, sa pag-aaral ng De La Salle University–Dasmariñas mula sa Marine Litter Monitoring Survey, ipinakita na mahigit 6.5 milyong piraso ng basura ang nananatiling nakakalat sa 190 kilometrong baybayin ng Manila Bay, na may kabuuang timbang na 203,000 kilo.

Lumabas na 91% ng mga nakolektang basura ay plastik, kabilang ang single-use packaging, sachets, plastic bags, lalagyan ng inumin, at mga upos ng sigarilyo.

Sa kabila nito, naitala sa 2024 survey ang 36% pagbaba ng dami ng basura at 42% pagbaba sa kabuuang timbang kumpara noong 2023, na nagpapakita ng positibong epekto ng patuloy na mga hakbang at pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor sa pagsugpo ng marine pollution. – VC