Inilunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang programang Multi-Purpose Loan (MPL) Lite upang matulungan ang mga miyembro nito sa mga hindi inaasahang gastusin.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, ang MPL Lite ay bahagi ng kanilang pangako na maghatid ng makabuluhan at epektibong serbisyo sa kanilang mga miyembro.
“As we reaffirm our commitment to deliver meaningful and significant products and services to our members, the GSIS has developed this program to provide accessible and affordable financial solutions that aim to honor their contributions,” saad ni Veloso.
Inaalok ng MPL Lite ang pautang mula P5,000 hanggang P50,000 na may flexible terms sa pagbabayad – pwedeng sa loob ng anim (6), labindalawa (12), labing-walo (18) o dalawampung (20) buwan.
Nakabatay naman sa tagal ng serbisyo ang interest rate nito na naglalaro mula 6%-7%.
Pagdating sa proseso ng aplikasyon, mas madali na ito gamit lamang ang GSIS Touch mobile app at sa oras na maaprubahan, agad na make-credit sa loob ng tatlong araw ang loan.
Para sa iba pang detalye tungkol sa MPL Lite maaaring bisitahin ang kanilang official website na www.gsis.gov.ph o kaya naman sa kanilang Facebook page @GSIS.PH. – VC