![](https://ibctv13.com/wp-content/uploads/2025/02/DSWD-MOBILE-KITCHEN.webp)
Maliban sa family food packs (FFPs), asahan ang paghahatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mainit at lutong-bahay na pagkain para sa evacuees tuwing may kalamidad sa tulong ng 15 bagong mobile kitchen na ipinangako noon ni Senador Joel Villanueva.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang mga mobile kitchen ay tutulong sa paghahatid ng masustansyang pagkain sa mga evacuee, lalo na sa mga matagalang disaster response.
“Hindi pwedeng puro preserved food. Ang mga mobile kitchen na ito ay makakatulong upang may mainit at sariwang pagkain ang mga nasa evacuation centers,” ani Secretary Gatchalian sa inagurasyon ng mga bagong kagamitan sa National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City.
Ang bawat mobile kitchen, na nagkakahalaga ng mahigit P5 million, ay may kumpletong kagamitan tulad ng kalan, oven, refrigerator, at iba pang gamit sa pagluluto.
Kasabay nito, naglunsad ang DSWD ng dalawang mobile water treatment units (P5.7M kada isa) na kayang gawing ligtas ang tubig-baha at tubig-alat gamit ang Ultrafiltration at Reverse Osmosis habang may dalawang bagong water tanker trucks (7.9M kada isa) ang idinagdag upang maghatid ng malinis na tubig sa evacuation centers.
Para sa mas mabilis na relief operations, bumili naman ang ahensya ng dalawang forklifts (P1.5M kada isa) at isang reach truck (P1.9M) para sa epektibong pagdaloy at bilang imbakan ng mga suplay.
“Itong mga kagamitan ay magpapabilis ng ating pagtugon sa mga nangangailangan,” ani Secretary Gatchalian.
Ang mga kagamitan ay bahagi ng logistics capacity-building package ng DSWD na isinulong ni Sen. Villanueva sa General Appropriations Act (GAA). – VC