
Plano ng Department of Agriculture (DA) na amyendahan ang halos tatlong dekada nang patakaran kaugnay sa minimum access volume (MAV) para sa imported na baboy.
Sa 31st National Hog Convention sa Pasay City, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu-Laurel Jr. na matagal nang sinasamantala ng ilang importers ang kasalukuyang sistema kaya kinakailangan na itong baguhin.
“We are reformulating the rules for MAV. The DA’s Policy and Planning Office is already on the job and they have to have an output by October this year,” saad ng kalihim.
Ang baboy na inaangkat sa ilalim ng MAV quote ay may mas mababang taripa na 15% kumpara sa regular rate na 25%.
May 55,000 metric tons na kabuuang alokasyon sa ilalim ng MAV at may 30,000 MT na nakalaan para sa mga meat processors upang matiyak ang mas mababang presyo ng processed meat.
Sa kabila nito, napag-alaman ni Secretary Laurel na 22 mula sa 130 quota holders ay nakakakuha ng 55% ng kabuuang alokasyon, na nagdudulot ng monopolyo sa import.
Dagdag ng kalihim, malimit na i-reuse ang mga quota dahilan upang tumaas ang import value kaya naman hindi napapakinabangan ng mga mamimili ang mas mababang taripa.
“The sad part about this is that consumers don’t benefit from the reduced tariff,” ani Laurel.
Sa pinaplanong bagong patakaran, target ng DA na itaas ang alokasyon para sa meat processors hanggang 40,000 MT habang ang natitirang bahagi ay ilalaan sa Food Terminals Inc. upang matulungan na mapatatag ang presyo ng baboy sa mga pamilihan. – VC