
Inanunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na handa ang bagong tayong gusali ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon City Jail – Male Dormitory (QCJMD) sa Payatas, Quezon City na maging kulungan ng mga personalidad na mapapatunayang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
“Gusto kong ipakita na handa ang BJMP, na handa ang mga facilities. Hindi kami aatras sa mga obligasyon namin para gampanan ang katungkulan namin bilang in-charge sa lahat ng BJMP jails sa buong Pilipinas,” saad ni Remulla.
Ang bagong pasilidad ay may 80 unoccupied dorms na maaaring paglagyan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at kayang tumanggap ng sampung PDLs bawat dorm, na may sariling banyo, shower, at palikuran upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan.
Mayroon din itong purified drinking water, espasyo para sa ehersisyo at exposure sa araw, at maayos na visitation schedule kung saan maaaring magdala ng lutong pagkain ang mga pamilya ng PDLs.
“Wala nang overcrowding. This will be the new standard para sa lahat ng BJMP jails. Kapag nakuha na namin ang budget namin, ito ang standard na susundin namin,” dagdag ng kalihim.
Binigyang-diin din ni Remulla na walang espesyal na pagtrato sa sinumang makukulong, anuman ang katayuan sa lipunan.
Gayunpaman, nilinaw din niya na may hurisdiksyon pa rin ang korte na tukuyin kung saan ikukulong ang mga akusado.