IBCTV13
www.ibctv13.com

Bagong Senate majority, ido-donate ang kanilang isang buwang sweldo para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao

Kristel Isidro
146
Views

[post_view_count]

New Senate Majority. (Photo courtesy of Sen. Risa Hontiveros)

Nakatakdang i-donate ng mga miyembro ng bagong Senate majority ang kanilang isang buwang sweldo upang makatulong sa relief efforts para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Lunes, Hunyo 8.

Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na nakikiisa sila sa mga pamilya at komunidad sa Mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol at patuloy na nagsisikap na makabangon mula sa pinsalang dulot nito.

“The Senate New Majority stands with the families and communities in Mindanao who are now facing the painful work of rescue, relief, rebuilding and recovery after the powerful earthquake,” ayon sa grupo.

Hinimok din ng majority bloc ang kanilang mga kasamahan sa minority bloc na makiisa sa inisyatiba bilang pagpapakita ng pagkakaisa at malasakit sa mga apektadong Pilipino.
“While this is a small contribution, we hope our colleagues in the minority will join us in this effort. After all, we are senators of all Filipino people. This is a moment when the Senate, whatever its internal divisions, can still speak through one act of shared compassion,” dagdag nila.

Ayon sa grupo, ilalaan ang kanilang kontribusyon sa mga agarang pangangailangan ng mga biktima, kabilang ang pagkain, malinis na tubig, gamot, pansamantalang matutuluyan, at iba pang tulong.

Iginiit ng grupo na ang hakbang ay hindi lamang isang tulong-pinansyal, kundi isang mensahe ng pakikiisa sa Mindanao na hindi nito kinahaharap nang mag-isa ang epekto ng sakuna.

Batay sa huling datos ng Office of Civil Defense, umabot na sa 37 ang nasawi, 479 ang nasugatan, at apat ang nawawala dahil sa lindol.

Apektado rin ang 17,600 pamilya o mahigit 77,000 indibidwal.

Ayon sa mayorya, patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga pambansa at lokal na awtoridad upang masuportahan ang relief operations, rehabilitasyon, at pagpapanumbalik ng mga pangunahing serbisyo sa mga lugar na naapektuhan ng lindol. – VC