Opisyal na ang paghahati sa Barangay 176 o Bagong Silang sa Caloocan City sa anim na maliliit na barangay matapos makakakuha ng 22,854 botong pabor mula sa mga residente sa lugar, batay sa proklamasyon ng Barangay Plebiscite Board of Canvassers.
Ang anim na bagong barangay sa lungsod ay tatawaging Barangay 176-A, Barangay 176-B, Barangay 176-C, Barangay 176-D, Barangay 176-E, at Barangay 176-F.
Bawat barangay ay magkakaroon ng kanya-kanyang opisyales, partikular na ang barangay captain, para sa mas epektibong paglilingkod at paghahatid ng serbisyo sa mga nasasakupang residente.
Sa ngayon, makikipagtulungan muna ang lokal na pamahalaan ng Caloocan City sa Commission on Elections sa pagtatalaga ng mga mamumuno sa mga bagong barangay.
Sa isang pahayag, suportado ni Caloocan City Mayor Along Malapitan ang resulta ng plebesito na aniya ay para sa ikauuland ng komunidad ng buong Bagong Silang.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. at kay Congressman Oca sa pagsuporta at pagsusulong ng makasaysayang paghahati sa pinakamalaking barangay sa bansa,” saad ni Malapitan.
Umabot sa 25,345 mga residente ang bumoto mula sa kabuuang 86,153 bilang ng mga botante sa nasabing barangay.
Isinagawa ang naturang plebesito alinsunod sa Republic Act 11993 na inaprubahan at naisabatas noong Abril 3, 2024.
Matatandaang itinanghal ang Bagong Silang bilang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas na mayroong higit 261,000 na populasyon.