
Naglunsad ng dalawang bagong komite ang Philippine National Police (PNP) na tatawaging Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) at Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) upang tutukan ang banta ng kidnapping sa bansa at ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa publiko.
Ang JAKAC ay tututok sa imbestigasyon at pagbuwag sa mga sindikatong sangkot sa kidnap-for-hire, kasunod ng kasong pagdukot at pagpaslang sa dalawang negosyanteng sina Anson Que at Armanie Pabillo.
Layon naman ng JAFNAC na labanan ang fake news at disinformation na nagdudulot ng takot at kaguluhan sa publiko.
Ipinaliwanag ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil na ang mga komite ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang tiyakin ang ligtas na lipunan para sa mga Pilipino.
“These committees are not just organizational measures—they are proactive responses to modern-day threats. From kidnap-for-hire syndicates to digital disinformation campaigns, the PNP is moving decisively to protect our people,” paliwanag ni Marbil.
Binigyang-diin din ng PNP Chief na seryoso ang kapulisan sa laban kontra pekeng balita dahil kapakanan ng mga Pilipino ang naaapektuhan.
“Fake news is not harmless—it can incite fear, panic, and even unrest. Under Bagong Pilipinas, we are taking a firm stand. We will not allow deception to dictate the public narrative,” dagdag niya. – AL