Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ferdie, batay sa 5:00 a.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado, Setyembre 14.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,210 kilometro silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na malapit sa gitna na 85 km/h at pagbugso na umaabot sa 105 km/h habang kumikilos patungong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Bagaman hindi tumama sa kalupaan, patuloy itong makakaapekto sa Southwest Monsoon o Habagat na siyang magdadala ng mga pag-ulan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Patuloy ang paalala ng weather bureau sa publiko na maging handa sa anumang posibleng pagbabago sa lagay ng panahon upang maiwasan ang sakuna.