Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Igme bandang 2:30 a.m. ngayong Sabado, Setyembre 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
As of 4:00 a.m., huling namataan ang bagyo sa layong 520 kilometro hilaga hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes at kumikilos patungong hilagang-kanluran sa bilis na 35 km/h.
Ito ay may taglay ng lakas ng hangin na nasa 55 km/h at pagbugsong umaabot sa 70 km/h.
Isang araw lamang ang tinagal ng Igme sa PAR matapos maging Tropical Depression bandang 2:00 p.m. nitong Biyernes, Setyembre 20.
Paglilinaw ng weather bureau, wala na itong magiging direktang epekto sa kalupaan ng bansa.
Samantala, patuloy na mararanasan ang makulimlim na panahon na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas bunsod ng Southwest Monsoon o Habagat.
Pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon upang maiwasan ang anumang uri ng sakuna. -VC