Lumakas pa bilang isang ‘Typhoon’ si bagyong Julian na huling namataan sa layong 275 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan, batay sa 2:00 p.m. weather bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Linggo, Setyembre 29.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong North northwestward sa bilis na 15 km/h habang taglay ang lakas ng hangin malapit sa gitna na 120 km/h at pagbugsong umaabot sa 135 km/h.
Patuloy pa rin ang banta ng bagyong Julian na pag-landfall o ‘close approach’ sa bahagi ng Batanes o Babuyan Islands sa darating na Lunes, Setyembre 30.
Kaugnay nito, itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3, 2 at 1 sa iba’t ibang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Si Typhoon Julian na ang ikaanim na bagyong tumama sa bansa ngayong buwan ng Setyembre at ika-10 naman ngayong 2024.