Posibleng humina na bilang isang low pressure area (LPA) ang Tropical Depression (TD) Querubin sa susunod na 24 na oras batay sa 5:00 a.m. tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Miyerkules, Disyembre 18.
Napanatili ng TD Querubin ang lakas nito habang nasa katubigan ng silangan ng Mindanao na huling namataan sa layong 230 kilometro silangan ng Davao City o 205 kilometro silangan ng Tagum City, Davao del Norte taglay ang lakas ng hangin na nasa 45 km/h at pagbugsong aabot hanggang 55 km/h.
As of 5:00 a.m. ay nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Davao Oriental.
Ayon sa PAGASA, ito na ang pinakamataas na TCWS na mailalabas nila kaugnay sa epekto ng naturang bagyo.
Patuloy namang kikilos ang TD Querubin sa direksyong north northeastward sa susunod na 24 oras kung saan inaasahang hihina rin ito bilang isang LPA.
Hindi naman inaalis ng weather bureau ang posibilidad na lumakas muli ang nasabing LPA bilang bagyo sa oras na dumaan ito sa West Philippine Sea.
Bandang 2:00 p.m. nitong Martes, Disyembre 17, nang maging ganap na Tropical Depression ang binabantanyang LPA na ika-17 bagyo nang tumama sa bansa ngayong taon.
Hinihikayat ang publiko na maging handa at alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon. – AL