IBCTV13
www.ibctv13.com

Bakit dalawa lang ang panahon sa Pilipinas?

Hecyl Brojan
341
Views

[post_view_count]

Individuals face contrasting weather conditions in the Philippines. (Photo from Radyo Pilipinas)

May siyentipikong paliwanag kung bakit dalawa lamang ang panahon sa Pilipinas, ang tag-init at tag-ulan, habang ang ibang bansa ay nakararanas ng taglamig (winter), taglagas (autumn/fall), at tagsibol (spring).

Matatandaan na nitong Miyerkules, Marso 26, opisyal nang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng Amihan o northeast monsoon, hudyat ng opisyal na pagsisimula ng dry season sa bansa.

Ayon sa ahensya, asahan na ang mas mainit at maalinsangang panahon sa mga darating na buwan, kasabay ng posibilidad ng pagkakaroon ng panaka-nakang thunderstorm lalo na sa hapon o gabi.

Depende sa lokasyon

Ayon sa PAGASA, ang pangunahing dahilan sa likod ng dalawang panahon sa Pilipinas ay ang lokasyon nito malapit sa ekwador kung saan halos pantay lamang ang natatanggap na sinag ng araw buong taon.

Dahil dito, hindi nararanasan ng bansa ang matinding pagbabago sa temperatura na siyang nagdadala ng iba’t ibang season sa ibang panig ng mundo.

Ang dalawang monsoon sa Pilipinas

Batay sa Department of Science and Technology (DOST), ang klima ng Pilipinas ay tropikal at maritime, na nangangahulugan ng mataas na temperatura, halumigmig (humidity), at madalas na pag-ulan.

Narito ang dalawang monsoon na siyang nagreresulta sa dalawang panahon sa bansa:

  • Habagat (Southwest monsoon) – Nagdadala ng mainit at basang hangin mula sa Indian Sea at South China tuwing Hunyo hanggang Setyembre, kaya nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
  • Amihan (Northeast monsoon) – Nagmumula sa Siberia at China at nagdadala ng malamig at tuyong hangin tuwing Oktubre hanggang Marso. Ito ang dahilan kung bakit mas malamig ang simoy ng hangin mula Disyembre hanggang Enero.

Ang dalawang panahon sa Pilipinas

Ang  tag-ulan ay isang panahon ng madalas na pag-ulan, lalo na sa kanlurang bahagi ng bansa na karaniwang umiiral mula Hunyo hanggang Nobyembre.

Ang tag-init o tagtuyot ay nahahati sa malamig at mainit. Ang malamig na tagtuyot ay umiiral mula Disyembre hanggang Pebrero habang ang mainit na tagtuyot ay nararanasan tuwing Marso hanggang Mayo.

Sa isang pag-aaral ng Climate Studies Division ng Manila Observatory, ang dalawang panahon ng tag-ulan at tag-init ay may malaking epekto sa agrikultura, turismo, at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Gayunpaman, napatunayan sa kasalukuyang panahon na may posibilidad na magbago ang pattern ng dalawang panahon sa bansa dahil sa climate change.

Ayon sa World Meteorological Organization (WMO), maaaring humaba ang tag-init at mas lumakas ang mga pag-ulan sa hinaharap.

Nagbabala naman ang mga eksperto para sa mas matinding bagyo at heatwave sa mga susunod na taon.

Related Articles

Feature

Hecyl Brojan

143
Views