Tumaas sa 96.1% ang naitalang employment rate o bilang ng mga manggagawang Pilipino sa bansa para sa buwan ng Oktubre 2024 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ito ay mas mataas kumpara sa 95.8% na naitala noong Oktubre 2023 at 95.3% nitong Hulyo 2024.
Sa kabuuan, may 48.16 milyon bilang ng mga Pilipino ang nagtatrabaho sa bansa na mas mataas kaysa sa 47.79 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong 2023 at sa 47.70 milyon noong Hulyo 2024.
Ang pagtaas ng employment rate ay nagpapakita ng patuloy na pag-unlad ng merkado ng trabaho sa bansa.
Iniulat din ng PSA ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa o katumbas ng 1.97 milyon, mas mababa sa 2.09 milyon noong Oktubre 2023 at higit na mas mababa sa 2.38 milyon noong Hulyo 2024.
Ayon kay Michael Ricafort, chief economist ng Rizal Commercial Banking Corporation, ang seasonal na pagtaas ng demand tuwing Pasko at ang paghahanda para sa midterm elections ay inaasahang magdadala ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Dagdag niya, ang mga gastusin ng mga mamimili tuwing holiday season ay isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa pagdami ng trabaho.
Mahalaga ang mga datos na ito bilang indikasyon ng pag-unlad ng ekonomiya at patuloy na pagbawi ng mga negosyo matapos ang mga hamon noong nakaraang taon. – VC