
Matagumpay na nalampasan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang naitalang kabuuang kita noong Mayo 2025 ng 14.15% o katumbas ng P34.61 bilyon, matapos makalikom ng P279.135 bilyon na gross collections ngayong Mayo 2026.
Mas mataas din ang kabuuang koleksyon noong nakaraang buwan ng P78.22 milyon mula sa target na P279.056 bilyon ng BIR para sa nasabing buwan.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, bunga ang positibong resulta ng extended filing season ng buwis at patuloy na pakikipagtulungan ng mga taxpayer sa pagtupad sa kanilang tax obligations.
Paliwanag pa ni Mendoza, nakatulong ang pagpapalawig na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mas maayos na mapamahalaan ng mga nagbabayad ng buwis ang kanilang pananalapi, at makasunod sa mga kinakailangan sa pagbubuwis sa gitna ng nararanasang krisis sa enerhiya.
Pinuri rin ng komisyoner ang mga Revenue Region, Revenue District Office, Large Taxpayers Service, at National Office ng ahensya dahil sa kanilang naging papel sa matagumpay ng implementasyon ng extended filing season.
“From our frontline personnel assisting taxpayers in our offices and eLounges, to our back-end teams ensuring continuity of operations, everyone had a part in this result. This was especially important as some areas had to continue serving taxpayers despite power and internet interruptions,” ani Mendoza.
Samantala, mula Enero hanggang Mayo 2026, nakalikom din ang BIR ng kabuuang P1.434 trilyon na gross revenues, mas mataas ng 5.49% o katumbas ng P74.582 bilyon kumpara sa nakolekta nito sa kaparehong panahon noong 2025.
Lumampas din ng P9.709 bilyon ang limang-buwang target ng ahensya na itinakda sa P1.424 trilyon.
Ayon kay Mendoza, naisakatuparan ang paglago ng koleksyon kasabay ng pagpapatuloy ng mga reporma sa ilalim ng BIR DARES agenda.
Kabilang sa mga inilunsad ng BIR noong Mayo ang Taxpayer Portal para sa Large Taxpayer Service, Registration Seal Badge at QR-enabled Certificate of Registration para sa mga online na negosyo, at ang Ease of Closing Business reform na nagpapasimple sa proseso ng pagsasara at pagkansela ng BIR registration.
Nagpatupad din ang BIR ng mga panuntunan para sa bagong mining royalty regime sa ilalim ng Republic Act No. 12253.
Binigyang-diin naman ni Mendoza na patuloy pang palalakasin ng BIR ang suporta sa mga taxpayer sa pamamagitan ng mas malinaw na mga patakaran, pinasimpleng proseso at mas mahusay na digital services, kasabay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa buwis at compliance monitoring. – MP











