
Kung dati ay kailangan pang bumiyahe papunta sa opisina ng Philippine Statistics Authority (PSA) at pumila nang mahaba para lang makita ang iyong birth certificate o iba pang dokumento, ngayon ay may mas mabilis at mas maginhawa nang paraan.
Ipinakilala ng PSA ang kanilang bagong serbisyo kung saan maaari nang makita ang online copies ng birth, marriage, at death certificates, pati na ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) at CENODEATH.
Bukod sa online viewing, hindi na rin kailangang dumiretso sa PSA main office para magpa-print dahil may mga outlet na handang magbigay ng certified copies gamit ang DocPrint service.
Proseso ng document viewing
Kung nais i-avail ang serbisyo, bumisita lamang sa PSA Serbilis website at punan ang online application form.
Para sa viewing, magbabayad lamang ng P130 para sa birth, marriage, at death certificates, habang P185 naman para sa CENOMAR at CENODEATH.
Ayon sa PSA, ang bayad ay dapat personal gawin sa alinmang PSA outlet, at kung death certificate ang kailangan, ang susunod na kamag-anak ng yumaong tao ang maaaring magbayad at mag-request.
Pagkatapos magbayad, makatatanggap ng isang unique code para makita online ang dokumento. Isang mahalagang paalala na ito ay viewing copy lamang at hindi pwedeng gamitin bilang opisyal na dokumento.
Kung Kailangan ng Printed Copy
May dalawang option ang PSA:
- Home delivery – Para sa karagdagang bayad, ipapadala mismo sa iyong address ang dokumento.
DocPrint service – Maaari mong makuha ang opisyal na kopya mula sa pinakamalapit na PSA CRS outlet. May mga branch sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao. — VC