IBCTV13
www.ibctv13.com

BOC, mahigpit na pinababantayan sa mga pantalan ang oil importations sa gitna ng global supply concerns

Kristel Isidro
113
Views

[post_view_count]

Photo courtesy of PNA

Ipinag-utos ng Bureau of Customs (BOC) sa lahat ng mga pantalan sa bansa na higpitan ang pagbabantay sa mga inaangkat na langis at kasalukuyang antas ng imbentaryo nito, kasunod ng pangamba sa posibleng pagkaantala sa suplay sa pandaigdigang merkado dahil sa lumalalang tensyon sa Middle East.

Inatasan na ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang lahat ng district ports na masusing subaybayan ang dami ng oil importations at tiyakin na sapat ang suplay ng produktong petrolyo na pumapasok sa bansa.

Sa ilalim ng direktiba, obligadong magsumite ng regular na ulat ang lahat ng district ports tungkol sa dami ng inaangkat na langis sa kani-kanilang nasasakupan.

Pagsasama-samahin ang mga ulat at tatalakayin sa weekly collection meeting ng ahensya upang mabigyan si Nepomuceno ng impormasyon sa mga paparating na kargamento.

Aniya, mahalagang magkaroon ang pamahalaan ng napapanahon na datos hinggil sa galaw ng oil importations upang agad na makapaglatag ng kaukulang hakbang kung kinakailangan.

Kasabay nito, itatatag din ang BOC Oil Inventory Level (BOC-OIL) Task Force na tutulong upang higit na matiyak tama ang mga datos.

Makikipagtulungan ang grupo sa Department of Energy (DOE) at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang magsagawa ng inspeksyon sa mga oil depot, bulk storage terminal, at iba pang pasilidad ng imbakan ng petrolyo.

Isusumite ang lahat ng ulat at natuklasan ng ahensya sa Office of the Commissioner upang makapagbigay ng situational updates at magsilbing batayan sa posibleng pagbuo ng polisiya.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng proactive monitoring ng ahensya upang makatulong sa pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya, at matiyak ang transparency sa sitwasyon ng suplay ng langis sa bansa sa gitna ng nagbabagong kalagayan sa pandaigdigang merkado. – IP