IBCTV13
www.ibctv13.com

Buffer stock ng bigas, tumaas kasabay ng ani ng palay; P20 rice program, magpapaluwag sa mga bodega ng NFA

Hecyl Brojan
131
Views

[post_view_count]

Photo from PNA

Umabot na sa 7.56 milyong sako ng milled rice ang buffer stock ng National Food Authority (NFA) kasabay ng peak season ng palay sa bansa.

Ang pagtaas ng imbentaryo ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang pagbili ng palay at matulungan ang mas maraming Pilipinong magsasaka.

Batay sa datos noong Abril 24, mayroon nang 10.1 milyong sako ng palay at 1.2 milyong sako ng milled rice ang NFA, sapat para tustusan ang buong bansa sa loob ng sampung araw.

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na may natitira pang P12 bilyon na pondo para sa pagbili ng palay sa presyong P18–P24 kada kilo,

“This will support the government’s initiative to provide more affordable rice to Filipino consumers.” ani Lacson.

Ayon sa batas, tanging mula sa mga lokal na magsasaka lamang maaaring bumili ng palay ang NFA.

Sa ngayon, bumibili ang NFA ng palay sa halagang P18 hanggang P24 kada kilo.

P20 rice program

Binigyang-diin naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng P20 kada kilong bigas na programa ng pamahalaan.

Aniya, hindi lamang ito katuparan sa pangako sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kundi para rin mapaluwag ang mga bodega ng NFA habang patuloy ang pagbili ng palay.

Ayon kay Laurel, dahil sa limitasyon ng Rice Tariffication Law, hindi agad naibebenta ng NFA ang kanilang stock bago pa man dumating ang anihan.

Ito ang naging dahilan ng pagbagsak ng buffer stock sa 41,285 metric tons, na katumbas lamang ng isang araw na suplay para sa buong bansa.

Upang matugunan ito, inaprubahan ng NFA Council, sa pamumuno ni Laurel, ang pagtaas ng buying price ng palay hanggang P30 kada kilo, na siyang unti-unting nagpapataas muli sa imbentaryo ng ahensya.

Kasabay ng pilot run ng P20 rice program sa Visayas, na sinusuportahan ng mga lokal na pamahalaan, sinabi ni Laurel na aktibo ring naghahanap ang Department of Agriculture ng mga legal na paraan upang mapalawak pa ang programa. –VC