Muling nakapagtala ng isang phreatic eruption o pagbuga ng usok sa loob ng dalawang minuto ang Bulkang Taal sa Batangas, batay sa 24 oras na pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Nagbuga ang bulkan ng 1,510 tonelada ng asupre at nakitaan ng upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa.
Sa ulat pa ng PHIVOLCS, aabot sa 700 metrong taas ng abo ang inilabas ng bulkan na maituturing na katamtamang pagsingaw at napapadpad patungong hilagang-silangan.
Gayunpaman, walang naitalang volcanic earthquake at nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Taal Volcano.
Nitong Linggo, nakapagtala ang PHIVOLCS ng isang phreatic eruption sa bulkan na tumagal naman ng tatlong minuto. – VC