Nilinaw ng San Miguel Corp. (SMC) na scaffolding at hindi isa sa mga poste ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) ang bumagsak sa kahabaan ng West Avenue sa Quezon City noong hapon ng Linggo, Abril 13.
Ayon kay SMC Infrastructure Corporate Affairs Office head Melissa Encanto-Tagarda, malakas na hangin at ulan ang dahilan ng pagbagsak ng inaayos na scaffolding sa lugar.
Walang napaulat na nasaktan sa nasabing insidente bukod sa mga naapektuhang kable ng kuryente.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi rin nakompromiso ng pangyayari ang integridad ng MRT-7 project na nananatiling matatag at ligtas.
Matatandaan noong Hunyo 2023 nang selyuhan ang P100-bilyong loan deal ng SMC para sa pagkumpleto ng MRT-7 na layong ikonekta ang Metro Manila sa lalawigan ng Bulacan.
Inaasahang mapabibilis nito ang biyahe mula North Avenue, Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan sa loob ng 35 minuto mula sa kalukuyang dalawa hanggang tatlong oras. – AL