Isinailalim na sa state of calamity ang Camarines Sur dahil sa pinsalang idinulot ng Tropical Cyclone Enteng na nanalasa sa buong probinsya mula Setyembre 1-3, alinsunod na inilabas na Resolution No. 409, Series of 2024 ng Sangguniang Panlalawigan at rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Sa huling tala ng PDRRMC, pumalo sa 46.6% ng kabuuang populasyon ng Camarines Sur ang naapektuhan ng bagyong Enteng.
Ito ay katumbas ng 866,431 bilang ng mga apektadong indibidwal mula sa 506 barangay sa naturang probinsya.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng Sangguniang Panlalawigan na makatutulong ang deklarasyon ng state of calamity upang makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin at maiwasan ang inflation sa probinsya.
Bukod dito, mas magagamit ang ‘resources’ para sa rescue, relief at rehabilitation na pinakakailangan sa muling pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.
“United, we will work tirelessly to restore not only infrastructure, livelihoods, and agriculture but also hope for a brighter future, providing that even in the darkest of times, the strength of the People of Camarines Sur as a community shines through,” pahayag ng Sangguniang Panlalawigan. -VC