
Sa gitna ng pagluluksa ng Simbahang Katolika sa pagpanaw ni Pope Francis, nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na iwasan munang ikampanya ang pangalan ni Cardinal Luis Antonio Tagle bilang susunod na Santo Papa.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Public Affairs Executive Secretary Rev. Fr. Jerome Secillano, ang pagpili sa bagong lider ng Simbahang Katolika ay eksklusibong responsibilidad ng mga cardinal elector sa nalalapit na Conclave.
Aniya, ang pagtutulak sa pangalan ni Cardinal Tagle ay maaaring magdulot ng impresyon na naiimpluwensyahan ng publiko ang desisyon ng mga cardinal, sakaling maitalaga siya sa pwesto.
“We leave it to the cardinal electors to decide who will succeed Pope Francis. It’s not prudent for the public to promote Cardinal Tagle as the next Pope, as this could create the impression that the conclave might be swayed by external influences if Cardinal Tagle is elected as the next pontiff,” paliwanag ni Fr. Secillano.
Bagaman isang karangalan na makita ang isang Pilipino sa hanay ng mga pinagpipilian, sinabi ni Tagle na mahalagang igalang ang sagradong proseso ng Conclave.
“The independence of the electors must be respected, and the least we can do is pray for Cardinal Tagle and the other cardinal electors,” dagdag niya.
Sa halip na ikampanya, iginiit ng CBCP na ipanalangin na lamang ang karunungan ng mga bumubuo sa Conclave dahil higit sa lahat, ito ay isang banal at makasaysayang pagpili para sa susunod na pinuno para sa lahat ng mga Katoliko sa buong mundo. – VC