IBCTV13
www.ibctv13.com

‘Career progression system’ para sa mga guro sa public school, aprubado na ng Kamara

Divine Paguntalan
974
Views

[post_view_count]

Public school teacher during a class discussion with his students in Zamboanga del Norte. (Photo by DepEd)

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill (HB) No. 10270 o ang “Career Progression System for Public School Teachers Act” na layong palawakin ang sistema ng pagpapaunlad sa career ng mga guro na nagtuturo sa elementary, high school at senior high school.

Sa ilalim din ng panukalang ito, magkakaroon na ng mas malinaw na pagtukoy sa ‘promotion system’ ng mga guro mula sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Ikinatuwa at pinuri naman ito ni House Speaker Martin Romualdez dahil mabibigyang pagkilala ang husay at pagsisikap ng mga guro para sa kanilang propesyon at para sa mga kabataan.

“Nagagalak tayo at naipasa natin ang panukalang ito na magsusulong ng kapakanan ng halos isang milyong mga guro sa ating public schools. This measure is proof that we are one with the administration of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. in advancing the welfare of all sectors of society,” mensahe ni Speaker Romualdez.

Bukod sa pagkilala at promosyon sa mga guro ng mga pampublikong paaralan, layunin din ng panukala na isulong ang kanilang kapakanan upang mas maging epektibo sa mga mag-aaral at mabigyan ng sapat at nararapat na compensation.

Matatandaang sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay binigyang-diin nito na dapat ay walang gurong magreretiro na ‘Teacher I lamang’.

Agad naman itong tinugunan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa pamamagitan ng paglagda saImplementing Rules and Regulations (IRR) para sa Expanded Career Progression System nitong Hulyo 2024. -AL

Related Articles