IBCTV13
www.ibctv13.com

Cash relief assistance ng DSWD, nakatulong nang malaki sa mga PUV driver sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis – survey

Kristel Isidro
92
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) distributed cash relief assistance to TNVS and delivery service drivers affected by the increase in petroleum product prices in Negros Occidental last May 28. (Photo courtesy of DSWD)

Malugod na tinatanggap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumabas na nakatulong ang ipinamahaging cash relief assistance ng pamahalaan upang makapagpatuloy sa pamamasada ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan, sa kasagsagan ng malawakang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Sa survey na isinagawa noong Mayo 26-27 sa mga benepisyaryo, 96.3% ng mga public utility vehicle (PUV) driver ang nagpahayag ng “high satisfaction” sa natanggap na P5,000 tulong-pinansyal dahil nakatulong ito upang manatili o makabalik sila sa kanilang operasyon.

Lumabas din na 87.2% ng mga respondent ang nagsabing lubos silang nasiyahan sa suportang kanilang natanggap mula sa pamahalaan.

Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, malaking tulong ang mga ganitong pag-aaral upang higit na mapahusay ng ahensya ang pagbibigay ng suporta sa mga apektadong tsuper.

“Ang mga ganitong klaseng pag-aaral po ay makakatulong sa DSWD para mas mapabuti pa natin ang pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating PUV drivers na hanggang ngayon ay ramdam pa rin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina o krudo,” ani Dumlao.

Sa kabuuang bilang, 66.8% ng mga respondent ang nagsabing “helped greatly” ang cash aid para sa kanila, habang 29.5% naman ang sumagot ng “helped somewhat.”

Pinakamataas ang porsyento ng mga nagsabing malaki ang naitulong ng cash assistance sa Mindanao na may 79.6%, sinundan ng Visayas na may 76.3% at Balance Luzon na may 72.6%.

Pangunahing pinaggamitan ng mga benepisyaryo sa natanggap na ayuda ay para sa mahahalagang gastusin sa tahanan at sa kanilang operasyon bilang mga PUV driver.

Sinabi ni Dumlao na kapag natutugunan ang pangangailangan ng pamilya at may sapat na pambili ng gasolina, mas nagiging matatag ang kabuhayan ng mga drayber, na siyang pangunahing layunin ng pamahalaan. – MP