
Umarangkada na ang cashless payment system sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) simula ngayong Lunes, Hulyo 13, sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa ilalim ng bagong sistema, maaari nang magbayad ng pamasahe ang mga komyuter gamit ang GCash at iba pang digital payment options, kaya hindi na kinakailangang pumila upang bumili ng single journey ticket o mag-load ng beep card.
Maaaring gamitin ng mga pasahero ang commute feature ng GCash para sa QR code at i-scan sa mga fare gate ng LRT-2.
Tinatanggap din ang mga Visa-registered debit card bilang alternatibong paraan ng pagbabayad ng pamasahe.
Pasok naman sa cashless payment system ang mga diskuwento para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.
Ipinatutupad ang sistema sa LRT-2, na may habang 17.6 kilometro mula Recto Station sa Maynila hanggang Antipolo Station sa Rizal.
Ang linya ay may 13 istasyon na nagseserbisyo sa mga lungsod ng Maynila, San Juan, Quezon City, Marikina, Pasig, at Antipolo.
Ayon kay RCBC Executive Vice President at Chief Innovations and Inclusion Officer Lito Villanueva, bahagi ang inisyatiba ng pagpapalawak ng digital adoption at pagsusulong ng financial inclusion sa pampublikong transportasyon.
“By making commuting simpler, faster, and more inclusive, we are accelerating digital adoption, advancing financial inclusion, and bringing the Philippines closer to the digital transport systems found in leading global cities,” ani Villanueva.
Ang implementasyon ng cashless payment system sa LRT-2 ang magsisilbing unang yugto bago ito palawakin sa LRT-1, na may mas maraming istasyon at kasalukuyang sumasailalim sa extension mula Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City hanggang Parañaque City.
Matatandaang una nang inilunsad ang tap-to-pay service sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Hulyo 2025, kung saan malaya nang nagagamit ng mga pasahero ang kanilang debit at credit cards, gayundin ang mga e-wallet, bilang alternatibong paraan ng pagbabayad ng pamasahe. – VC











