
Sa isang news forum ngayong Sabado, Nobyembre 22, kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na huling natunton sa bansang Japan ang lokasyon ni Cassandra Li Ong ilang buwan matapos makalaya mula sa detention.
Ayon kay PAOCC spokesperson Dr. Winston John Casio, nakalabas si Ong ng Pilipinas bago pa man inisyu ng Pampanga Regional Trial Court ang warrant of arrest laban sa kanya noong Mayo.
Ito’y para sa kasong qualified human trafficking matapos siyang masangkot sa umano’y iligal na operasyon ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Una nang ipinaliwanag ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian sa pagdinig sa Senado nitong Biyernes, Nobyembre 21, na lumaya si Ong nang mag-transition mula sa 19th Congress patungong 20th Congress, at bago pa man maisampa ang kaso.
“At that point, wala pang kaso,” pahayag ni Gatchalian.
Dahil dito, walang naging ligal na basehan upang ipatupad ang hold departure order (HDO) o pigilan ang kanyang pagbiyahe palabas ng bansa.
Tiniyak naman ng PAOCC na nagpapatuloy ang kanilang koordinasyon sa mga foreign counterpart upang matukoy ang kinarooonan ni Ong at maharap nito ang mga isinampang kaso laban sa kanya. – IP











