IBCTV13
www.ibctv13.com

China, hindi dapat mangialam sa plano ng Pilipinas na mag-upgrade ng military weapons – Rep. Barbers

Ivy Padilla
94
Views

[post_view_count]

A Mid-Range Capability (MRC) Launcher arrives in Northern Luzon, Philippines on April 8, 2024. (Photo by U.S. Army/VOA)

Nanindigan si House Quad Committee lead chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na walang karapatan ang China na manghimasok sa plano ng Pilipinas na kumuha ng military weapons sa United States.

Kabilang na rito ang pagkuha ng mid range missiles at iba pang kagamitan para sa higit na pagpapalakas sa kapasidad ng bansa na ipagtanggol ang mga sakop nitong teritoryo.

Binigyang-diin ng mambabatas na isa nanamang ‘bullying tactics’ ang pakikialam ng China na maaari aniyang magpatindi pa sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

“Sobra nang pakikialam ang ginagawa ng China sa ating bansa at dapat magkaisa at sama-sama tayong lahat na Filipino na pigilin at tuligsain ang kanilang mga makasariling layunin sa loob at labas ng bansa, partikular na sa West Philippine Sea,” pagbibigay-diin ni Rep. Barbers.

Kasabay nito ay nanawagan si Barbers na suportahan ang paninindigan ni Department of Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro laban sa atake ng China.

“The Filipino people, including Senators and Congressmen, should rally and voice out their support to Secretary Gibo Teodoro for standing up against the whims and caprices of the China government and its leaders,” panawagan nito.

Una nang sinabi ni Sec. Teodoro na dapat nang itigil ng China ang pangingialam at pangha-harass sa bansa kung nais talaga nitong isulong ang kapayapaan sa Southeast Asia region.

“The Philippines is a sovereign state, not any country’s “doorstep.” Any deployment and procurement of assets related to the Philippines’ security and defense fall within its own sovereign prerogative and are not subject to any foreign veto,” ani Teodoro.

Inakusahan ng kalihim ang Communist Party of China (CPC) na nagpapalawak umano ng nuclear arsenal at ballistic missile capability at silang nagpopondo sa mga criminal syndicate gaya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Matatandaang nanawagan din ang CPC sa bansa na ibalik ang Typhon missile system na dinala ng Estados Unidos sa bansa noong unang bahagi ng taon.

“Anong pakialam ng CPC kung magdala ang US ng Typhoon Missile system sa Pilipinas para sa joint US-PH military exercises. Nakikialam ba tayo pag nagho-hold and China ng military exercises sa Russia at mga ally nila na bansa? Hindi, di ba?” ani Barbers.

“Lahat ng sinabi ni Secretary Gibo ay tama at masakit na patama sa China dahil ang lahat ng ito ay totoo. Kahit ano pang gawin ng China propaganda bureau na naka-base sa loob at labas ng ating bansa ay di kayang pasinungalingan ang mga sinabi ni Gibo,” dagdag pa niya. – VC