Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na sinalubong ng ‘flares’ ng China ang isang aircraft ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) habang nagsasagawa ng Maritime Domain Awareness (MDA) flight sa West Philippine Sea noong Huwebes, Agosto 22.
Nanggaling ang flares mula sa Zamora Reef na isang ‘illegally-reclaimed artificial island.’
Ayon sa NTF-WPS, hindi ito ang unang beses na nalagay sa panganib ang Cessna 208B Grand Caravan aircraft ng BFAR.
Noong Agosto 19, nagsagawa rin ng iresponsable at mapanganib na maneuvers ang People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) sa parehong aircraft habang nagpapatrolya sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Nasa 15 metro lamang ang layo ng PLAAF jet nang magpakawala ito ng ilang beses na ‘flares’ sa Cessna 208B.
Sa isang pahayag, mariing nanawagan ang NTF-WPS sa gobyerno ng China na itigil ang mga mapanganib na aksyon na naglalagay sa kapahamakan sa mga Philippine vessel at aircraft na nagsasagawa lamang ng ligal na pagpapatrolya sa loob ng Philippine exclusive economic zone (EEZ).
“The Chinese fighter jet was in no way provoked, yet its actions demonstrated hazardous intent that jeopardized the safety of the personnel onboard the BFAR aircraft,” paglilinaw ng NTF-WPS.
“The Philippines remains steadfast in exercising its rights to strengthen maritime domain awareness within our sovereign territory, national airspace and EEZ, as well as in the high seas, in accordance with the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNICLOS) and the 2016 Arbitral Award,” dagdag ng task force. -VC