Posibleng maging ganap na low pressure area (LPA) ang cloud clusters o kumpol ng mga kaulapan sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na 24-48 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa ngayon, patuloy na nakakaapekto sa bansa ang Shearline na magdudulot ng mataas na tsansa ng pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Bicol Region at Samar.
Inaabisuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na mag-ingat sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Asahan naman ang maulap na panahon na sasabayan ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon kabilang na ang Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at Cordillera Administrative Region bunsod ng umiiral na Northeast Monsoon o Amihan.
Samantala, malamig na panahon na may kasamang panaka-nakang ulan dulot pa rin ng Amihan ang mararanasan naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Hinihikayat ang publiko na maging handa sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.