Binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang cloud cluster o kumpol ng kaulapan na namataan sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) batay sa 4:00 a.m. weather forecast ng ahensya.
Ayon sa weather bureau, posible itong maging low pressure area (LPA) ngayong Huwebes, Setyembre 26 o bukas, Setyembre 27 bago maging isang ganap na bagyo pagpasok ng Sabado-Linggo.
Tatawagin ito bilang bagyong Julian na magiging ika-10 na tropical depression ngayong 2024 at ika-anim naman ngayong Setyembre.
Sa pagtataya pa ng PAGASA, magdadala ito ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa bahagi ng Batanes at Babuyan Islands habang bumabaybay patungong hilagang-kanluran.
Samantala, may isa pang LPA na binabantayan sa labas ng PAR na nasa layong 2,750 kilometro silangan ng Central Luzon ngunit mababa ang tyansa na pumasok sa PAR.
Ngayong araw, makararanas ng ilang pag-ulan sa Palawan, Eastern at Central Visayas, Caraga at Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula bunsod ng umiiral na intertropical convergence zone (ITCZ).
Panaka-nakang pag-ulan naman ang asahan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa lalo sa hapon hanggang gabi dahil sa localized thunderstorms. — VC