IBCTV13
www.ibctv13.com

COMELEC, mag-iisyu ng show cause order vs Sen. Marcoleta

Veronica Corral
298
Views

[post_view_count]

Then SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta filed his candidacy for senator for the 2025 midterm elections. (Photo from Marcoleta/Facebook)

Nakatakdang mag-isyu ng show cause order ang Commission on Elections (Comelec) kay Senator Rodante Marcoleta para ipaliwanag ang hindi pagkakatugma umano ng mga nilalaman ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) noong kampanya sa nagdaang 2025 midterm elections.

Sa mga natatanggap na ulat ng Comelec, lumalabas na nasa P112 million ang inilagay na gastos ni Marcoleta sa kampanya sa loob ng kanyang SOCE, mas mataas kumpara sa halos P52-M na idineklara nito sa kanyang SALN.

Una nang ipinaliwanag ni Marcoleta sa isang panayam na hindi niya isinama sa kanyang SOCE ang ilang nagbigay ng donasyon noong kampanya dahil hiniling ng mga ito na manatiling anonymous.

Binigyang-diin ng komisyon na dapat malinaw na nakalista sa SOCE ang lahat ng donor o pinagmulan ng kontribusyon para sa pangangampanya ng isang tumatakbong kandidato.

Maaari namang maharap sa election offense, perjury at falsification of public documents ang senador sa oras na mapatunayan ng Comelec na may hindi nga ito idineklara sa kanyang SOCE.

Comelec kay Sen. Escudero

Samantala, nakatakda namang maglabas ng resolution ang poll body sa mga susunod na linggo kaugnay sa isyu ng pagtanggap umano ng donasyon ni Senator Chiz Escudero mula kay Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction And Development, Inc., na isa sa mga nasasangkot sa ireguralidad sa flood control projects sa bansa.

Hihintayin naman ng Comelec hanggang Biyernes ang paliwanag ng 27 mga kontratista na may kontrata sa gobyerno na nag-donate sa iba’t ibang kandidato noong 2022 elections.

Matatandaang ipinagbabawal sa batas na magbigay ng donasyon ang mga kumpanya na may kontrata sa gobyerno sa mga tumatakbong opisyal ng bansa upang maiwasan ang conflict of interest. (Ulat mula kay Patricia Lopez)