
Opisyal nang idineklara ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapaliban ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sana sa Marso 30.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, hindi na kayang isagawa ng ahensya ang halalan dahil sa parehong legal at operational na kondisyon.
Ipinaliwanag ni Garcia na hindi na makakasunod ang COMELEC sa itinakdang panuntunan ng Korte Suprema na nagsasabing maaari lamang magsagawa ng BARMM Elections kung ito ay nasa loob ng 120 araw bago ang eleksyon.
Sa aspeto ng operasyon, kulang ang natitirang panahon upang maayos na maihanda at maisagawa ang halalan.
Matatandaang inirekomenda ng Korte Suprema na i-reschedule ang halalan ngayong Marso, subalit hindi ito agad naging epektibo dahil kamakailan lamang napirmahan ang kaukulang desisyon at hindi pa ito nailalathala sa Official Gazette.
Ayon sa proseso, kinakailangan pang maghintay ng 15 araw bago ito tuluyang magkabisa.
Kasabay ng pagpapaliban ng halalan, ipinaalam din ng COMELEC na wala nang bisa ang Calendar of Activities na nakasaad sa kanilang resolusyon.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng COMELEC ang magiging desisyon ng Kongreso hinggil sa pagtatakda ng bagong petsa ng BARMM elections.
Tiniyak naman ng poll body na walang nabawas o nagalaw sa P1.2 bilyong badyet na nagastos para sa mga election equipment, kabilang ang mga balota.
Samantala, tuloy na tuloy pa rin ang special elections sa Antipolo na gaganapin sa Marso 14, kaya’t nanawagan si Garcia sa Office of the President na madagdagan pa ang P98 milyong badyet para rito. (Ulat mula kay Alyssa Insigne) – VC











