Tuluyan nang tinanggal ng House Quad Committee ang contempt order laban kina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, Cassandra Ong, Tony Yang at Police Major Leo Lagara sa huling pagdinig ng komite ngayong taon.
Sa mosyon ni Abang Lingkod party-list Rep. Stephen Paduano, inalis ang contempt order kay Guo dahil nakakulong na raw ito bunsod ng mga kinakaharap ng dating alkalde na mga kasong kriminal.
“Since Alice Guo is now detained by virtue of the court order, I move that we now lift the contempt order versus Guo Hua Ping alias Alice Guo,” saad ni Paduano.
Tinanggal na rin ang contempt at detention order kay Ong, ang incorporator at kinatawan ng Whirlwind Corporation at Lucky South 99, matapos lumabas sa pagsusuri ng medical services ng Kamara na may iniinda itong sakit.
Bukod sa dalawa, binawi rin ng komite ang ipinataw na mga contempt order laban kina Yang na kasalukuyang naka-confine sa isang ospital sa Taguig City pati na kay Police Major Laraga para sa ‘diwa ng Kapaskuhan’.
Matatandaang na-cite in contempt si Laraga noong Oktubre matapos umanong hindi magsabi ng katotohanan hinggil sa pagsisilbi ng search warrant sa selda ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Samantala, nilinaw naman ni Quad Comm Chair Robert Ace Barbers na hindi pa rin aalisin ng komite ang contempt at arrest order laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque. – AL