Tuluyan nang binawi ng Senado ang ‘contempt order’ laban kay Sheila Guo, kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Women ngayong Martes, Setyembre 24.
Kasunod nito ay napagdesisyunan na rin ng nasabing komite sa pangunguna ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros ang pagpapalipat kay Sheila sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) sa ilalim ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
Kaugnay ito ng Mission Order na inilabas ng BI laban kay Guo kung saan nahaharap ito sa mga kasong ‘undesirability and misrepresentation’ sa ilalim ng Philippine Immigration Laws.
Matatandaang na-’cite in contempt’ si Sheila, na nahaharap din sa kasong ‘money laundering,’ dahil sa kanyang hindi pagdalo sa mga nakaraang pagdinig na may kinalaman sa POGO.
Nauugnay din ito sa mga negosyo ng kapatid nitong si Alice dahil nakalista ito bilang corporate secretary, chief finance officer at treasurer sa mga negosyo ng kanilang pamilya kung saan binigyang-diin nito na wala siyang kinalaman sa mga criminal activity ng kanyang pamilya.
Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Hontiveros na maaari pa ring magkaroon ng mga susunod na pagdinig kung hindi pa rin makakakuha ng mahahalagang sagot na makatutulong sa paggulong ng imbestigasyon at kung sakaling kailanganin ulit ito ng komite. – AL