Ikinabahala ng Japan ang pagpasok ng isang Chinese aircraft carrier sa kanilang ‘contiguous water’ o bahagi ng katubigan ng bansa sa kauna-unahang pagkakataon nitong Miyerkules, Setyembre 18.
Batay sa naging pagmamanman ng defense ministry ng Japan, naglayag ang naturang carrier kasama ang dalawang destroyer sa southern Yonaguni at Iriomote islands na pumasok sa sakop ng Japan sa layong 24 nautical miles mula sa coastline na bahagi pa rin ng kanilang nasasakupan alinsunod sa United Nations.
Ayon kay Deputy Chief Cabinet Secretary Hiroshi Moriya, nagpaabot na ng ‘serious concerns’ ang Tokyo sa Beijing hinggil sa naturang insidente na itinuturing na hindi katanggap-tanggap para sa seguridad ng Japan at ng rehiyon.
“We will continue to closely monitor Chinese naval vessels’ activities in the waters around our country and will take all possible measures to gather information and conduct vigilance and surveillance,” saad ni Moriya.
Nitong Miyerkules din ay nauna nang iniulat ng defense ministry ng Taiwan na namataan ang naturang Chinese aircraft carrier patungo sa katimugan na isla ng Yonaguni, Japan sa layong 110 km mula sa silangan ng Taiwan.
Samantala, nauna na ring nagprotesta ang Japan laban sa China matapos mamamataan ang pagpasok ng naval survey vessels nito sa katubigan ng bansa kasunod ng isang airspace breach kamakailan.
Dahil dito, mas pinaigting pa ng Tokyo ang depensa ng bansa partikular na sa timog-kanlurang bahagi pati na rin sa mga remote island. – VC