IBCTV13
www.ibctv13.com

Contingency plans, nakahanda na para sa nalalapit na 49th ASEAN Summit sa Maynila

203
Views

[post_view_count]

The Executive Secretary, together with the Secretaries of the DILG, DTI, and DICT, conducted a walkthrough of the summit venue to assess preparations for the upcoming 49th ASEAN Summit. (Photo courtesy of PCO)

Nakahanda na ang mga contingency plan ng pamahalaan sakaling magkaroon ng aksidente o medical emergency sa idaraos na 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Maynila mula Nobyembre 15-17.

Ito ang tiniyak ni ASEAN 2026 National Organizing Council Director General Potentio Camba sa isang panayam nitong Lunes, Nobyembre 9.

Ayon kay Camba, itatatag ang isang joint task force na mangunguna sa paghahanda at pagtugon sa mga posibleng emergency sa panahon ng summit.

Pangungunahan ito ng Office of Civil Defense (OCD), katuwang ang Department of Health (DOH), Bureau of Fire Protection (BFP), at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Nakatuon din ang pamahalaan sa pagpapatibay ng seguridad sa himpapawid, karagatan at kalupaan sa gitna ng pagdating sa Maynila ng mga lider at delegado mula sa iba’t ibang bansa.

“We are involving, mobilizing all the government agencies to support our hosting and to ensure that we conclude this peacefully,” ani Camba.

Nanawagan din ang opisyal sa publiko na makiisa sa paghahanda at pagsasagawa ng summit upang matiyak ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Camba ang kahalagahan ng pagkakaisa at bayanihan ng mga Pilipino, dahil nakasalalay aniya sa matagumpay na pagdaraos ng summit ang dangal at reputasyon ng bansa sa harap ng international community.

“Ang pakiusap natin na magtulungan tayo, iyong bayanihan spirit natin para iyong hosting natin ay maitawid natin nang maayos itong hosting ng ASEAN kasi dangal ng Pilipino ang nakataya dito, dangal ng Pilipinas,” saad ni Camba.

Binubuo ang ASEAN ng mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Timor-Leste at Vietnam.

Inaasahang dadalo rin sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa mga dialogue partner nito kabilang ang United States, China, Republic of Korea, Japan, Australia, New Zealand, India, Russia at Canada. – IP