Simula Enero 20, epektibo na ang maximum suggested retail price (MSRP) na P58 bawat kilo ng Department of Agriculture (DA) para sa mga 5% na imported broken rice o well-milled at regular-milled na bigas sa Metro Manila.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagtatakda ng MSRP ay naglalayong tugunan ang mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Nilinaw naman ni Sec. Laurel na hindi magiging price cap ang MSRP dahil ito ay gabay lamang upang maiwasan ang profiteering.
“It’s not a suggestion, it’s like we’re saying na ito dapat ang maximum na presyo niyan,” saad ni Laurel Jr.
Inaasahang makatutulong ang P58/kilo na MSRP upang mapababa ang presyo ng imported regular at well-milled rice hanggang P56 kada kilo sa susunod na buwan.
Upang matutukan ang pagpapatupad nito at mabantayan ang mga importer at retailer, nakipag-ugnayan ang DA sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Para ma-sort namin ang aming remedies kung paano ma-address ito,” saad ng kalihim.
Ayon sa DA-Bantay Presyo, sa kasalukuyan, naglalaro ang presyo ng imported regular milled rice at well-milled rice sa Metro Manila mula P38 hanggang P54 bawat kilo, habang ang premium at special-labeled rice ay nasa P48 hanggang P64 bawat kilo.
Palalawakin din ang MSRP sa bigas sa mga pangunahing merkado sa Cebu, Cagayan de Oro, Batangas, Davao, Zamboanga Negros Occidental, at iba pa.
Ang hakbang na ito ay inaasahang makatutulong hindi lamang sa mga mamimili kundi pati na rin sa mga lokal na magsasaka upang mapanatili ang kanilang kita habang pinapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin. – VC