![](https://ibctv13.com/wp-content/uploads/2025/02/BIRD-FLU-US-CANVA-FILE.webp)
Kasunod ng nagpapatuloy na pagkalat ng bird flu sa United States, nagpatupad ng temporary ban ang Department of Agriculture (DA) sa pag-angkat ng domestic at wild birds, pati ng poultry products mula sa Maryland at Missouri, US.
Bilang maagap na tugon ng pamahalaan, nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel noong Pebrero 4 ang Memorandum Order 07 na nagbabawal sa pag-angkat ng mga manok, itlog, day-oldchicks at semen mula sa mga apektadong lugar sa Estados Unidos.
Ayon kay Secretary Laurel, layon ng naturang restriction na protektahan ang local industry ng manok sa bansa.
“The quick escalation of bird flu cases in the U.S. since its first detection demands a more extensive coverage of trade restrictions to prevent the entry of the virus,” paliwanag ni Laurel.
Suspendido na ang pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga nasabing produkto.
Samantala, ang mga shipment na nasa byahe o nakarating na sa mga pantalan ay papayagang makapasok basta’t may patunay na ang mga produkto ay kinatay o ginawa sa loob ng 14 araw bago ang unang ulat ng outbreak ng sakit noong Enero 14.
Ang mga shipment na bigong magpakita ng sapat na katibayan alinsunod sa kondisyon ng DA ay pababalikin sa Estados Unidos o hindi kaya’y itatapon. – VC