Bagaman handa ang DA magpatupad ng MSRP sa bawang, nananatiling pangunahing prayoridad ng ahensya ang pagkontrol sa presyo ng bigas at baboy.
Nitong Marso 31, ibinaba ng ahensya ang MSRP sa imported rice mula P49 patungong P45 kada kilo, kasabay ng pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Para naman sa baboy, nananatili ang MSRP sa P380 kada kilo para sa liempo at P350 kada kilo para sa kasim at pigue.
Mahigpit din na binabantayan ng DA ang presyo ng itlog upang matiyak ang makatwirang presyo sa merkado.
Ipinunto ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel na ang tumataas na demand sa itlog ngayong panahon ng eleksyon at ang mataas na mortality rate ng manok dahil sa epekto ng mainit na panahon ang pangunahing dahilan ng pabagu-bagong presyo nito.
Tiniyak naman ng DA na mahigpit ang kanilang pagmamanman at pag-aaral sa presyo ng mga pangunahing bilihin upang matiyak na hindi naaabuso ang mga mamimili sa gitna ng pagbabago ng supply at demand. – VC