
Binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) na kinakailangan na ang pagpapatupad ng mataas na pamasahe sa Manila Light Rail Transit System Line 1 (LRT-1) na matagal nang nakabinbin.
Bagaman nauunawaan ng ahensya ang mga apela kaugnay sa taas-pasahe ay ipatutupad na ang fare adjustment simula Abril 2.
“It believes that the fare adjustment is long overdue and is necessary to ensure the operational viability of the rail line,” saad ng DOTr sa isang pahayag.
Nais ng ahensya na tiyaking maayos at napapanahon ang maintenance ng mga tren kasabay ng pagpapatuloy ng Public-Private Partnership (PPP) contract para sa pagpapalawig ng linya ng tren patungong Cavite.
Matatandaan noong Enero 30, 2025, pinagtibay ang fare hike at ito pa lamang ang pangalawang beses na itinaas ang pamasahe magmula noong 2023.
Tiniyak naman ng DOTr na ang dagdag sa pamasahe ay para sa kapakanan ng mga pasahero upang mas maging epektibo at malawak ang operasyon ng LRT-1. – VC