Inaprubahan na ang pag-upgrade sa mga existing position ng mga government psychologist ng bansa na layong palakasin ang mga programa sa mental health para sa lahat ng pampublikong kawani, ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman.
Ang desisyong ito ay nakabatay sa DBM Budget Circular (BC) No. 2024-5, na nagtatakda ng pagtaas ng sahod ng mga Psychologist I, II, at III.
“Magle-level up na po ang salary grade ng ating mga existing psychologists sa gobyerno! I know that is long overdue for our dear psychologists in government, but we are happy that under the term of our President Bongbong Marcos, nagkatotoo na po,” ayon kay Secretary Mina.
Magsisimula ang bagong salary grades mula Enero 1, 2025, kung saan ang Psychologist I ay itataas mula SG 11 patungong SG 16, habang ang Psychologist II ay magiging SG 18 mula SG 15 at ang Psychologist III naman ay itataas sa SG 20 mula sa dating SG 18.
Ang hakbang na ito ay bunga ng masusing pag-aaral at pagsusuri mula sa National Center for Mental Health (NCMH) at Department of Health (DOH).
Layunin nitong kilalanin ang mas mataas na kwalipikasyon na kinakailangan upang makapasok sa serbisyong pampubliko, kabilang na ang pagkakaroon ng master’s degree at internship na umaabot sa 200 oras.
Bilang bahagi ng mas malawak na inisyatiba para sa mental health, hinihimok din ng circular ang mga ahensya ng gobyerno na bumuo ng komprehensibong Mental Health Program na siyang tutugon sa mga pangangailangang psychiatric at psychosocial ng kanilang mga empleyado, pati na ang layuning lumikha ng isang supportive work environment.
Kasabay ng anunsyo, nilagdaan din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act na naglalayong i-institutionalize ang mga programa sa mental health sa mga paaralan upang mas mapalakas ang suporta para sa mga kabataan.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pangako ng gobyerno na itaguyod ang mental health advancement sa bansa at lumikha ng mas malusog at produktibong workforce.
Sa kabila ng paglala ng isyu sa mental health sa bansa, umaasa naman ang DBM na makakamit ang mas mataas na antas ng serbisyo mula sa mga psychologist sa gobyerno. – AL