Aprubado na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang minimum na dagdag sahod sa Region 4-A (CALABARZON) at Central Visayas ngayong Lunes, Setyembre 16.
Sa CALABARZON, nasa P21 hanggang P75 kada araw ang minimum wage increase habang sa Central Visayas naman ay nasa P33 hanggang P43 kada araw ang karagdagang sahod na makukuha ng mga manggagawa.
“Both adjustments were reached through consensus and unanimously approved by the government, labor and employer representatives in both RTWPBS, and have likewise been unanimously affirmed by the National Wages and Productivity Commission,” pahayag ng DOLE.
Nakatakdang ipatupad ang dagdag-sahod na ito sa CALABARZON sa darating na Setyembre 30 habang sa Oktubre 2 naman ito mag-uumpisa sa mga manggagawa mula sa Central Visayas.
Kaugnay nito, aabot sa 1.2 milyong manggagawa mula sa mga nasabing rehiyon ang makakakuha ng karagdagang sahod.
Matatandaang Setyembre noong nakaraang taon ang huling beses na nagkaroon ng wage order ang CALABARZON, habang Oktubre naman ang pinakahuling pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa Central Visayas. – AL