IBCTV13
www.ibctv13.com

Dalawang establisyemento sa QC, pinuntahan ng lalaking may mpox – QC LGU

Patricia Lopez
172
Views

[post_view_count]

Quezon City Mayor Joy Belmonte during a press conference on monkeypox surveillance in Quezon City on August 21, 2024. (IBC-13 photo by Patricia Lopez)

Iniulat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ngayong araw, Agosto 21, na agad nagsagawa ng contact tracing ang QC Quick Response Team matapos mapag-alaman na pumunta sa dalawang establisyemento sa lungsod — Derma Clinic at Infinity Spa, E.Rod. — ang 33-year-old na lalaking kumpirmadong may mpox.

Sa pinakahuling tala ng lungsod, 41 indibidwal ang nakasalamuha ng pasyente kung saan 28 sa kanila ay mayroong close contact ngunit ngayon ay sumailalim na ng self-isolation habang ang 13 naman ay nasa self-monitoring.

Patuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng QC LGU sa mga nakasalamuha ng pasyente gayundin ang iba pang nakasama ng mga empleyado at ibang kliyente ng dalawang establisyemento.

Bukod dito, tiniyak din ni Mayor Belmonte na tutulungan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang tatlong manggagawa na naging close contact ng pasyente dahil pansamantalang mawawalan ng trabaho, sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda sa ilalim ng Alagang QC Financial Assistance.

Samantala, ipinag-utos na ng QC LGU ang tigil operasyon at pagsasara ng naturang spa matapos madiskubreng paso na ang ancillary environmental permit nito at walang maipakita na iba pang dokumentong magpapatunay na sila ay sumusunod sa health and safety standard ng isang negosyo. –DV/VC