IBCTV13
www.ibctv13.com

DAR, pinaigting ang kampanya upang maipamahagi ang pangakong 400,000 ektaryang lupa sa 2025

104
Views

[post_view_count]

PBBM and DAR Secretary Conrado M. Estrella III led the distribution of land titles to ARBs as part of the Department’s intensified efforts to meet its 400,000-hectare land distribution target by 2025. (Photo from DAR)

Mas pinaigting ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang operasyon nito sa buong bansa ngayong Oktubre upang matupad ang pangakong mamamahagi ng 400,000 ektarya ng lupang sakahan sa mga kwalipikadong agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa taong 2025, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maiangat ang kabuhayan at kapakanan ng mga magsasakang Pilipino.

Ayon kay Secretary Conrado M. Estrella III, ang DAR ay nasa “buong pwersa na ng operasyon” upang maabot ang target ngayong taon, kasunod ng direktiba ng Pangulo na pabilisin ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Mahalagang buwan para sa DAR ang Oktubre dahil pinabibilis natin ang land validation, documentation, at pagpapalabas ng mga titulo sa buong bansa. Determinado kaming tuparin ang aming pangako sa Kongreso na maipamahagi ang 400,000 ektarya ng lupa sa 2025 at tuluyang maipagkaloob sa mga magsasaka ang lupang matagal na nilang sinasaka,” ayon kay Secretary Estrella.

Sa lahat ng rehiyon, sabay-sabay na nagsasagawa ang mga tanggapan ng DAR field validation, land survey, at pamamahagi ng titulo ng lupa, katuwang ang mga ahensya tulad ng Land Registration Authority (LRA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Bank of the Philippines (LBP), at mga local government unit (LGU). Layunin ng mga ito na mapabilis ang dokumentasyon ng lupa at pag-isyu ng mga indibidwal na titulo sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Mula Oktubre hanggang Disyembre 2025, magsasagawa ang DAR ng sunod-sunod na aktibidad sa buong bansa sa pamamahagi ng mga titulo ng lupa, pati na rin ng Certificates of Condonation and Release of Mortgage (COCROMs), at farm machineries and equipment (FMEs) para sa mga ARB at agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) upang matiyak na kasabay ng pagmamay-ari ng lupa ay ang pagkakaloob ng mga suportang serbisyo.

Batay sa tala noong Agosto 2025, sa ilalim ng administrasyong PBBM, nakapamahagi na ang DAR ng 242,883 titulo ng lupa sa 232,098 ARBs na sumasaklaw sa 305,944 ektarya ng lupang pansakahan. Nakapagpalabas din ang ahesiya ng 401,001 COCROMs sa 322,200 ARBs na katumbas ng P41 bilyong halaga ng mga pinatawad na utang, na nagbigay-daan sa mga magsasaka upang makapagsimula muli nang walang pasaning utang.

Binigyang-diin ni Secretary Estrella na ang mga tagumpay na ito ay patunay ng matatag na dedikasyon ng DAR sa layunin ni Pangulong Marcos na makamit ang isang bansang may seguridad sa pagkain at kapangyarihang pangkabuhayan para sa mga magsasaka.

“Bawat titulong naipamamahagi at kasong nalulutas ay sumisimbolo sa pag-asa ng isang pamilyang magsasaka tungo sa katatagan at pag-unlad. Ang aming mga tagumpay ay bunga ng dedikasyon ng buong organisasyon ng DAR sa pagtupad ng pangako nito. Patuloy kaming magsisikap upang matupad ang aming target na 400,000-ektarya sa 2025,” ani Estrella.

Dagdag pa niya, nakabatay ang lahat ng pagsisikap ng DAR sa mga prinsipyo katapatan, kahusayan at pananagutan upang matiyak na ang pamamahagi ng lupa ay magbunga ng tunay na kapangyarihan at pag-unlad sa kanayunan. (DAR)

Related Articles

National

Earl Tobias, Hecyl Brojan

7
Views

National

Mary Ann Tolentino, Hecyl Brojan

35
Views